Ateneo PolSci Bloggers

NASA PAG-ALALA ANG PAGLAYA: Panawagan sa Pag-alala ng Masaker sa Maguindanao

In History, Philippine Issues, Politics, Youth on November 23, 2010 at 4:58 pm

(mula sa mga kaibigan sa Matanglawin, ang opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Manila)

“…We have yet to achieve the cultural integration of the meaning of the Holocaust, which is essential if the slogan “Never Again!” is to become a living reality. We must ask ourselves why we have failed. Is it because we are unwilling to face the meaning of the event? Are we so repelled by its sheer horror that we are unintentionally repressing the investigation of what it means in terms of the future of our civilization? Is it because we start with the a priori assumption that events of this sort are unintelligible? Have we so “mystified” the event itself that it seems somehow disconnected from our own age, something that happened on another planet entirely? It seems clear to me that the crisis we face with regard to knowing and understanding the Holocaust is partly, if not largely, one of our own making.”

– Alan Rosenberg, “The Crisis in Knowing and Understanding the Holocaust,” mula sa ECHOES FROM THE HOLOCAUST

Nobyembre 23, 2010. Mag-iisang taon na mula nang naganap ang isa sa mga pinakanakakarimarim na krimen sa ating kontemporanyong kasaysayan. Sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao ay pinaslang nang walang-awa ang 57 katao ng mga elementong kakabit ng nanunugkulang angkan ng mga Ampatuan sa probinsyang ito. Pangunahin sa mga pinaslang, katulad ng nasabi na sa lahat ng pag-alala, ang maybahay ng pinuno ng kaalit nilang angkan ng  mga Mangudadatu, mga kapatid niya, mga mamamahayag, mannanggol, kasambahay at mga inosenteng motorista. Nagimbal ang buong sambayanan, lumuha, nagngalit atlalong nawalan ng tiwala sa mga sistemang pampamahalaang pinangunguluhan ng teknokratiko-awtoritaryang pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (na sa kasalukuya’yhindi pa rin napapanagot sa kanyang mga kasalanan sa bayan). Magpasahanggang ngayon, nakabinbin pa rin ang kaso ng paglilitis sa mga pangunahing pinaghihinalaang maysala sa karumal-dumal na krimen na si Andal Ampatuan Jr., dating punongbayan ng Datu Unsay (na nakapiit pa rin at nakatatanggap ng di-kawasang mabuting pagtrato kung ihahambing sa karaniwang preso).

Sa paglipas ng isang taon, tila baga muli na naman tayong nawawalan ng gana umalala dala ng ating pagnanasa ng bagong buhay. Sa pangako ng pagsunod sa tuwid na landas mula sa bagong administrasyon ng Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, naritong muli ang ating tendensiyang limutin na lamang ang mga nangyari nang masama nitong nakaraan, lalo’t hindi naman tayo tila kasangkot dito (lalo sa ating mga lumaki na sa kalunsuran). At bakit nga ba naman hindi? Nakakapagod umalala. Masakit makaalala. Mahirap ang matandaan ang lahat ng bagay na kasingsama nito, na kasing-nakakabagabag ng katotohanang ang karaniwang mamamayan ay pwedeng-pwedeng lipulin na lamang nang basta-basta kung nanaisin ng isang nakatataas sa lipunan. At siyempre, hindi nawawala yung ating karaniwang pagnanasa sa mga bagay na madali. Yaong bagang pagnanasa sa isang takbo ng buhay na hindi na natin pinag-iisipan dahil ang tunay na iniisip lamang natin ay gusto nating maging masaya sa ating mga sarili. Na nais nating sundan ang ating mga pagnanasa’t gawing hinahanap sa kabila ng mga posibleng maibubunga nito sa ating kapwa.

Maipapalagay na nagkukulang pa ang pamahalaang Aquino sa pagpapabiis ng pag-usad sa kasong ito dala ng kanyang pagpupumilit na isalba ang katatagan ng mga aparato ng estado upang matiyak ang ikabubuti ng sambayanan. Bagaman ang layunin at kilos na ito ay masasabing marangal at karapt-dapat sa isang responsableng pamahalaan, hindi nawawala ang katotohanan at kabigatan ng kanyang tungkuling dalhin ang mga nagkasala sa taumbayan at sa mga naging biktima ng pamamaslang sa dambana ng katarungan. Ipinangako ng pamahalaan na ipanunumbalik ang demokrasya, kalayaang sibil at karapatan ng mamamayan; hinihingi ngayon ng pagkakataon na maging matatag, malinaw at matibay ang pagsukol ng sistema ng hudikatura sa mga maysala upang muling manauli ang pagtitiwala ng taumbayan sa kanyang pamahalaan. Naganap ang pamamaslang na ito dala na rin ng pagpupumilit ng nakaraang rehimeng Arroyo na panatilihin ang kultura ng kawalan ng politika, diskurso at pagbubuo ng opinyon sa ngalan ng pagsusulong ng mga programang panlipunang hindi makakabuti (lalo’t hindi sinangguni) sa taumbayan. Sa pagpapanatili ng mga sistemang patron at kultura ng kamangmangan sa taumbayan para na rin sa ikabubuti ng mga naghaharing-uri, mahihirapan ang anumang kilos sa reporma at pagbabanyuhay ng lipunan.

Kaakibat din naman nito, hinihingi sa taumbayan ang pagbabalikwas at muling pagpapanauli sa mga ugnayang panlipunan. Kailangang kalasan ang pagnanasang lumayo mula sa pampubliko’t sibikong tungkulin upang pagtuunan ang pansariling pagpapabuti lamang. Bagaman totoong kinakailangan ang isang mabuti’t malusog na indibidwal upang mabuo ang isang mahusay na lipunan, ang pagtutok lamang sa sarili, sa lahat ng panahon, ay nagdulot ng pagsusulong ng mga anti-demokratikong elemento sa paaralan, pamayanan at bansa. Kinakailangang kilalaning sa pagsusulong ng isang matibay at nagkakaisang bansa, hindi maaaring isawalang-bahala ang interes ng kaliit-liitang mamamayan. Ang mamamayang marhinalisado, dukha at kumapit na sa patalim, kung hindi man kabilang na sa angaw-angaw na lumipad sa ibang bansa, ang laging nabibiktima ng mga mapanlinlang na sistemang panlipunan. Napanatili ang mga sistemang awtoritaryan sa Maguindanao dala na rin ng pag-alipin sa ating mga kababayan sa kahirapan at takot; mababago ito kung maisasabuhay at mabibigyang-lakas ang mamamayan magsalita’t mangatwiran.

Marapat tayong maniwalang malaki ang magagawa ng masikhay, mulat at malay na Atenista kung siya’y magpapatuloy sa kanyang pag-aaral at pagsasalita tungkol sa kanyang lipunang ginagalawan. Kinakailangang tapusin na ang panahon ng Atenistang nagsusulong lamang ng mga kilusan sa pagsasama-sama upang magkasiyahan at mamigay ng limos upang pagtakpan ang kanyang papel sa pagpapalaganap ng kultura ng kawalang-pakialam. Hindi maaaring maging “Tanglaw ng Diyos” ang isang Atenistang nasa dilim tungkol sa pinakamahalagang ugnayan ng mga tao: ang politika at pamayanan. Sa pamamagitan ng pagiging mulat, pagiging malay sa interes ng marhinalisado, at pamumuhay nang makatuwiran, magagawa ng isang Atenista na bumahagi sa kilusan tungo sa demokratisasyon at mapigilan ang muling pagputok ng ganitong dahas sa ating mamayan.

HINDI KAMI LILIMOT! KASALANAN ANG LUMIMOT! KATARUNGAN, NGAYON NA!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: