Ateneo PolSci Bloggers

Siklo ng Karahasan

In Elections, History, Philippine Issues, Politics on November 28, 2009 at 6:19 pm

Pagmumuni-muni sa malamig-lamig na pagngangalit ng taumbayang Pilipino sa pamamaslang sa 57 tao sa Maguindanao sa ilalim ng mga Ampatuan
ni Hansley A. Juliano


Para sa isang tunay na pangkating subaltern, na ang pagkakakilanlan ay ang kanilang ka-Ibahan, walang di-makakatawang suhetong subaltern na makikilala’t makakapagsalita para sa kanyang sarili; ang solusyon ng intelektwal ay di ang magpigil sa pagkatawan. May suliranin pagka’t ang layon ng suheto ay di matagpuan upang maganyak ang kakatawang intelektwal.

– Gayatri Chakravorty Spivak, Can the Subaltern Speak?

Hindi na ako magtataka kung marami sa nakatanggap ng mga balita ukol sa mga pamamaslang sa 57 na mga tao, kabilang ang mga 13 mamamahayag sa Maguindanao ay batiin ng tila pagkasanay o kawalang-pakialam ang balitang ito. Kung magpapahayag ng pagkagitla, pagkabagabag, o pagkagalit sa usaping ito ay puwedeng-puwede nating ikahon sa tatlong uri ng tugon:

Shit.

Oh god, so sad. There’s just too many evils in the world. I cry… (LOL)

Fuck these Muslim pigs! They deserve to die! Go President Arroyo!

Itong mga kaisipang ito ang siyang nagpapanatili, nagpapatibay, at siyang nagpapalaganap sa mga ganitong pamamaslang. Itong hegemonya ng kamangmangan, kawalang-kaalaman at kawalang-pakialam, kung tutuusin, ang siyang pinakamabuti’t matatag na tanggulan ng mga ganitong mapangwasak at mapanupil na sistematikong karahasan hindi lamang sa Maguindanao, kundi pati na sa buong kapuluan kung tutuusin. Napakaraming mga pagkakataon nang tayo ay nakarinig ng mga usapin ukol sa mga patayan, sa mga kawalang-katarungan, sa pagtatanggol ng kulungang estado sa kanyang mga galamay na naghahari-harian sa ating lupain, at sa mga pagnanasa nating ipatimbuwal ang mga sistema’t kulturang ito na pumapatay sa ating mga walang-malay at makatarungang mga kapatid.

Hindi ko malaman kung ano nga ba ang dapat kong sabihin bilang isang aba’t mangmang na manunulat sa harap ng mga ganitong usapin, sa totoo lamang. Napakahirap, napakasakit, at nakapanginginig ng laman ang bawa’t detalyeng aking naririnig sa bawa’t balitang aking natatanggap. Sa sobrang dami na ng aking nakita’t nabasa’t narinig, akala ko naiintindihan ko na ang mga suliranin sa isyu ng separatismo at kung bakit hindi na talaga makaahon sa isteryotipo ng kaguluhan ang Muslim Mindanao. Pero sabi nga ni Socrates: “sa mga sandaling akala mo’y alam mo na ang lahat ay doon ka walang alam, at sa sandaling aminin mong wala kang alam ay doon ka makakaunawa.” Alam na nating ang mga suliranin sa Muslim Mindanao ay historikal, institusyonalisado at kaakibat na ng kultura ng represyon sa mga Moro sa loob ng mahigit 500 taon. Nguni’t ang hindi natin alam (o marahil ayaw aminin at harapin) ay ang katotohanang ang mismong pamumuhay na ating ipinagmamalaki sa ating mga kalunsuran, sa rehiyon ng kabisera, ang Metro Manila, ang siya mismong sanhi ng mga kaguluhang ito, at kung bakit hindi magiging madali kahit pa sa loob ng sampung salinlahi ang ibigkis muli ang Mindanao sa ating pagtatayo ng isang tunay na matibay na estado.

Salamat sa Imperyong Maynila

Naniniwala akong lahat tayo ay biktima ng nakaraan. Pinatunayan na ng kasaysaysan na kasalanan ng imperyalistang Estados Unidos mula pa noong panahon ng kolonisasyon na malaking pagkakamaling ipilit ang integrasyon ng Mindanao sa binubuong bansang-estado (nation-state) sa pamamagitan ng migrasyon na itinadhana ng Homestead Act. Naniniwala pa rin akong napakahirap sa mga taga-Mindanao ang sumunod sa mga patakarang itinatatag ng isang pamahalaang nakasentro lamang sa Maynila at sa mga iilang naghaharing-uri, lalo’t hawak sila sa leeg ng mga naghaharing-uring ito. Hindi madaling ituro na kasalanan lamang ng mga hari-hariang ito ang kasalukuyang kalagayan: napakahina rin naman kasi ng pagnanasa natin na piliing isatinig ang mga hinaing ng mga hindi makapagsalita. Walang ibang paglalabasan ng mga hinaing ang mga taga-Maguindanao. Kinakailangan, sa mga ganitong pagkakataon ang ating kahandaang sundin ang payo ni Karl Marx: “ang proletaryo ay sa gayon hindi maigigiit ang kanilang interés pang-uri sa kanilang sariling pangalan, maging sa parliyamento o isang pagpupulong. Hindi nila maisasakatawan ang kanilang mga sarili, kailangan silang katawanin.”

Napakasaklap na kahit galit ang mass media sa kawalang-katarungang ito, nakakayamot pa rin ang kanilang paimbabaw na pagtanaw sa naganap na mga patayan. Mayroong tila baga maalab na pagnanasa ang media na ipaalam sa mga manonood at patron ang katotohanan sa likod ng mga detalye, pero sa totoo lang may nararamdaman akong pagkakalas sa kanilang mga tinig, isang obhetibong etika na matagal nang iwinaksi ng mga progresibong pahayagan. Hindi ko alam kung sadya lamang nanlulumo si Ted Failon noong umaga ng Nobyembre 25 sa kanyang palabas sa DZMM, pero hindi maganda ang dating sa akin ng sinabi niyang “kung magpapatayan kayong mga magkakalabang pamilya puwede ba kayo na lang? Hindi may nadadamay pang iba!” Totoo, tama naman na hindi makatarungang idamay ang ibang tao sa gulo ng may gulo, lalo na kung pinili na ng mga ito na huwag makisali sa mga ganitong gulo. Pero, tandaan natin na ang usapin ng patayan sa Maguindanao ay isang usaping pampubliko. Hindi tayo basta-basta lamang pwedeng sumaisantabi at sabihing karapatan nating hindi makialam. Hindi naman sa ating ipinapalubog ang ating sarili sa blob of the We na kinokondena ni Ayn Rand, pero ang ganitong usapin ay hindi isang bagay na dapat piliin nating huwag magakaroon ng sasabihin o pananagutan.

Hindi Na Ito Usapin ng Paradigm Shift

Kababawan at kamangmangan ang sabihing ang patayan sa Maguindanao ay bunga ng relihiyosong konserbatismo o panatisismo ng Islam sa Muslim Mindanao. Sa katotohanan, ni hindi nga Muslim ang mga kamay na nagpakilos sa mga Ampatuan at kanilang mga tao upang gawin ang hindi kayang ilarawan ng mahihina ang puso. Tandaan muli natin na nananatili ang konsepto ng strong man sa ating kamalayan dahil isa ito sa mga pinanghahawakan ng ilan sa ating mga teknokrata’t burukrata na konsepto ng Asian-style democracy mula sa dating Punong Ministro ng Singapore Lee Kuan Yew, kung saan ang awtoritaryanismo ay mahalaga. Nguni’t tandaang ang Singapore ay lubog sa paggawa ng isang haka-hakang kasaysayan kahit sa katotohanan isa lamang itong kalas na lungsod ng Malaysia, kaya’t hindi nararapat na paghulmahan ng mga pananaw-Pilipino sa pamamahala.

Nguni’t higit pa roon, nariyan din ang pagnanais ng mga naghaharing-uri na bigyan ng historikal na lehitimasyon ang kanilang kapangyarihan, kahit wala na sa pinanghahawakang ideyal ng estado. Soberanyang kapangyarihan na walang-likat at mapaghiganti ang namamayani sa ating mga lalawigang hindi makontrol nang epektibo ng pambansang kapangyarihan gamit ang Sandatahang Lakas o ng Pambansang Kapulisan. Kaya may basbas ng estado ang mga strong man na kagaya ng mga Marcos at Crisologo ng Ilocos, ang mga Remulla ng Cavite, si Hagedorn ng Palawan, ang mga Lobregat ng Zamboanga, si Rodrigo Duterte ng Davao, at una pa sa mga Ampatuan, si Ali Dimaporo ng Maguindanao. Kapag nakasalalay na sa mga mersenaryo ang pagpapanatili ng “kaayusan” sa estado, hindi ka na magtataka kung bakit supot at walang pangil ang estadong hawakan at parusahan sila sa pangambang iwan sila ng mga ito, at mapunta ang mga botong kinikikil nila sa mga mamamayan sa kanilang mga kalaban.

At sino nga ba ang mga Ampatuan upang kanilang pangahasang gawin ito? Tandaang sina Andal Ampatuan Sr., at ang kanyang mga anak na sina Zaldy at Andal Jr. (na siyang itinuturong mastermind) ay itinuring ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na kanyang pinakamatibay na kakampi sa Timog. Karugtong na nito ang mga pangalang Virgilio Garcellano at Lintang Bedol, na kung naaalala pa natin ay ang mga komisyoner ng COMELEC sa Maguindanao na naging sentro ng mga pandaraya: ang una sa halalang pampanguluhan noong 2004, at ang huli sa pinagtatalunang upuan sa Senado nina Aquilino “Koko” Pimentel III at ng naluklok na si Miguel Zubiri noong 2007. Makikita ang pagkiling ng administrasyong ito sa maraming aspeto, at ang pamamaslang na ito (na iginigiit ng mga tagapagsalita sa Malacañang na nararapat paraanin muna sa due process) ay hindi na natin inaasahang ikokondena ng Malacañang. Anupaman ang sabihin, sisikapin nilang palusutin ito.

Isipan at Pagkilos

Ayokong manisi sa mga ganitong pagkakataon ng pighati sa aking mga kababayang nananatili pa rin sa kanilang mga patetiko’t walang kuwentang buhay at pinipiling maglagalag na lamang sa Facebook, Plurk (kagaya ko, alam ko) at kung ano pang mga pansariling kapakanan nila. Gusto ko pa ring maniwalang sila ay mga biktima at preso lamang ng isang kapitalista’t disiplinaryong lipunan na walang-patumanggang nililinlang sila na ayos lamang ang manatiling walang ginagawa.

Pero nais ko lamang magtanong: kailangan pa bang maipit ka sa panahon ng kagipitan para lamang makalubog sa karanasan ng mga inaapi? Bakit nga ba napakareaksyunaryo lamang ng ating mga pagkilos sa mga komunidad at hindi progresibo, na makakalimutan din pagkatapos ng ilang linggo kagaya ng ipinagmamalaki nating pagtulong sa mga nasalanta ng mga sunud-sunod na bagyong Ondoy at Pepeng? Naniniwala akong ang pagsusumikap ng ating mga kabahagi sa pagbabanyuhay ay sapat na dapat upang gawing masikhay sa pagkilos ang sampung salinlahi. Nguni’t ang nakikita natin ngayon ay isang kabataang lubog sa mga pagnanasa at unti-unting pinipiling wasakin ang kanyang sarili, habang ang mundong kanyang ginagalawan ay patungo rin sa pagkawasak sa pamamayani ng mga halimaw at ganid sa parang.

Minsang ibinahagi sa akin ng mga kasama sa Agham Politikal: ang kawalang-kapangyarihan ang bagong kawalang-pakialam (“disempowerment is the new apathy”). Hindi ako naniniwala sa anumang estadistika, dito man o sa ibang bansa, na magsasabing ang Pilipinas ay maraming demokratikong institusyon, sapagka’t kung totoo iyon hindi masasaling kahit isang buhok ng mga napaslang sa Maguindanao. Hindi ko naman maimungkahi na magtuon tayo lahat ng ating pagkilos sa mga rally, vigil at iba pang aktibidad ng civil society dahil higit sa lahat, ang usapin natin ay hindi ang mga mamamayan kundi ang pagiging kriminal ng isang administrasyon na nagkakanlong sa mga naghaharing-uri na takasan ang kanilang historikal responsibilidad sa angaw-angaw na salinlahi ng mga inapi. Kaya kung aking tatanungin ang tanong ni Vladimir Lenin at Andres Bonifacio, “ano ang dapat gawin?” hindi rin ako makapagbigay ng pangmatagalang kalutasan.

Nguni’t naririyan ang pag-asa. May magagawa kahit papaano ang sinuman para manatili sa ating kamalayan bilang bansa ang trahedyang ito at mapigilan nating huwag nating maulit ito. Sulatan niyo ang inyong mga kinatawan sa pamahalaang lokal at kahit na sa walang-silbing Kapulungan ng mga Kinatawan upang yanigin sila, at makita nila, na hindi kulong sa mga sulok ng Metro Manila ang konsepto ng pagkamamamayang Pilipino. Magsulat kayo. Magbasa ng diyaryo o ng mga balita sa internet. Harapin na natin ang pangit na katotohanan at hayaang masunog sa ating mga isipan ang mga larawan ng mga winasak na katawan at ginahasang mga pagkatao ng 57 mga biktima. Walang pagbabanyuhay na madali, pulido at malinis; lagi itong maligalig. At sa panahon ng ligalig, isang kasalanan ang manatiling nakatanga’t walang ginagawang pinag-isipan.

Pinakamabigat ang kasalanan ng mga Ampatuan. Mabigat ang irresponsibilidad ng kasalukuyang administrasyon. Nguni’t hindi natin dapat kalimutan na tayo ay may kinalaman at kasalanan, sa ating kawalang-pagkilos sa pananatili ng mga institusyong walang katarungan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: